Ulat Panahon
Blag ko to

My Mimi Momo

Saturday, August 4, 2012

   Maghugas ng kamay bago kumain ang laging sabi ni Nanay bago ang tanghalian. Hindi kami mayaman pero maayos ang aming tahanan. Kapos kami sa pera at wala kaming magarang sasakyan. Gayun pa man, sinusunod ni nanay ang utos ng kagawaran ng kalusugan. Ang maging malinis para lahat ng sakit ay maiwasan. Yan si Nanay. Mahigpit sa lahat lalo na sa pangkalahatang kalinisan.
   Hindi naman kami madalas nagkakasakit sa totoo lang. Maliban na lang sa bunso namin, si Mimi, para yatang iyong sikmura niya ang may kahinaan. Isang beses sa isang linggo kung sumakit ang tiyan. Hindi rin namin alam kung ano ang dahilan. Sabi ko nga, sa bahay, kami ay malinis naman.
   Mahal ko si Mimi, prinsesa namin yan. Siya iyong sentro ng aming pamilya at madalas niya kaming napapasaya kapag sumasayaw siya pagkatapos ng aming tanghalian. Mag-aapat na taon na siya sa katapusan ng buwan. Pero heto na naman siya ngayon, hindi makabangon sa higaan. Matamlay, payat, dinapuan ng kamalasan sa kanyang katawan. Masakit na isiping malala na ang kanyang kalagayan. Sabi ng mga doktor, hindi raw malinis ang pagkaing inihahanda ni Nanay sa hapag kainan. Yan ang dahilan.
   Sa loob ko, hindi ako naniniwala sa mga doktor na yan. Maselan nga si Nanay sa paghahanda ng ihahain. Hinuhugasan niya agad iyong mga tira-tirang pagkaing napulot ni Tatay sa basurahan. Hindi na niya hinahayaang pagpiyestahan pa ng mga langaw at ipis na nagtatago lang sa kasuluk-sulukan ng aming inaanay na tahanan. At kung minsan, kapag nakakaluwag, may bocha pang uwi si Tatay galing kay Mang Ramon diyan sa may labasan. Malinis yaon dahil hindi naman malayo ang pinagkunan mula sa Bulacan.
   Kawawang Mimi. Sa palagay ko nabiktima lang siya ng kulam. Pero sa anong dahilan? Bata lang siya at wala pang alam. Ginugulo ako ng aking isipan at hindi ko maintindihan ang mga doktor na yan.
   Bukas makalawa, makakapagbayad din kami dito sa ospital kung may mabuting tao at maawaing magpapautang.

Katotohanan: Mahirap ang mabuhay sa Pilipinas.

Ibahagi sa iba
Add To FacebookAdd To YahooStumble ThisFav This With TechnoratiAdd To Del.icio.usDigg ThisAdd To Reddit

Magbahagi ng opinyon

Susunod Homepage
 
 
 
"Humihingi ako ng paumanhin sa mga taong nasaktan ko at naperwisyo sa blog na 'to. Pinapatawad ko na kayo."
COPYRIGHT © 2011 BLAG KO 'TO