Ulat Panahon
Blag ko to

Sikretong Misteryosong Kwento

Wednesday, July 27, 2011

   Ang post na ito ay seryoso. Lumaki ako sa North Cotabato kung saan malayo sa kabihasnan at malapit sa gulo. Lugi ka ano? Sisimulan ko ang nakakatakot na kwento noong kabataan ko.
Dahil sa sobrang paglalaro ng bahay-bahayan, sa tahanan ni Lola, inabot kami ng madilim at malamig na gabi. Kasama ang mga pinsan kong kalaro na kapareho kong nakasuot ng damit na nagkulay tsokolate sa kumapit na dumi. Nakakatakot nang umuwi dahil lumalabas na ang mga duwende at sa daanan pauwi, may nakakatakot na kapre sa puno ng balete.
   Ayokong matulog sa bahay ni Lola dahil maraming lamang lupa ang doo'y nakatira. At kapag ika'y nakahiga, hindi mabilang na nilalang ang wari'y nakatingin sa 'yo sa pagpikit ng iyong mata. Bago matulog, nagkukwento si Lola habang nakaupo sa silya malapit sa bintana. Mga kwento ng kababalaghan at mga misteryong bumabalot sa sanlibutan. Takot naman at hilakbot ang nararamdaman naming magpipinsan habang siya'y pinapakinggan. At nang gabing 'yon, biglang umihip ang malamig na hangin mula sa bintana na humawi sa mahaba at maputing buhok ni Lola na siya naming ikinabigla. Tumindig ang balahibo ko sa aking nakita. Si Lola ay mukhang sinapian ng masamang espiritu dahil sa kanyang anyo tapos bigla siyang nagsalita sabay turo, "Iho, pakiabot nga ng suklay d'yan sa likod mo, nagulo ang buhok ko."
   Nagpasalamat ako sa dampi ng hanging iyon dahil ang kwento ni Lola ay nag-iba ng direksyon. Hindi tungkol sa multo at hindi tungkol sa aswang ang kanyang inilahad sa gitna ng aming pagtitipon. Ibinahagi n'ya ang isang alamat na kailanman ay ayaw sana niyang sabihin. Isang alamat na sobrang matalinghaga at hindi pa naililimbag sa anumang sulatin. Alamat kung saan ang nagsulat ay napakamalikhain at kakaiba ang galing. Ang kwentong ito ay isa sa kanyang itinatagong lihim. Dahil d'yan, itong post na 'to ay parang ayoko na ring tapusin. Pero kung ako ay pipilitin, ikukwento ko na rin. Hindi naman ako mahirap kausapin.
   Ayon sa alamat, noong unang panahon, mga isanlibong taon na ang nakakaraan, payapa at matiwasay ang pamumuhay sa Mindanao. Ngunit bigla na lang gumulo isang araw. Hindi magkaintindihan ang mga naninirahan at nagsimula silang magpatayan. Hindi nila alam kung bakit lumalim ang hidwaan. Hanggang sa mga oras na sinusulat ko ang post na 'to, hindi pa rin natatapos ang gulo. Sabi ni Lola, mababaw lang ang pinagsimulan. Nagsimula ang lahat nang may dayuhan mula sa Luzon at Visayas ang nag-migrate papuntang Mindanao dala-dala ang kanilang magagarang sasakyan at mamahaling kagamitan. Nagtayo ng internet cafe ang taga-Luzon malapit sa ilog at nagtayo naman ang taga-Visayas ng gasoline station. Nagalit ang Datu ng Mindanao dahil marumi na ang tubig sa ilog na dati nilang comfort room. Ang pinakamabigat at pinakamasakit na hindi niya matanggap ay ang bansagan siyang "kulang-kulang" ng mga dayuhan. Ang 'tubig' sa Luzon na 'tubi' sa Visayas ay naging 'ig' sa Mindanao. Ang 'hindi' sa Luzon na 'indi' sa Visayas ay 'di' sa Mindanao. Sumiklab ang matinding kaguluhan at umupa ng magaling na hacker ang Datu ng Mindanao para i-hack ang Facebook account ng taga-Luzon. Nagsanib ng pwersa ang dalawang dayuhan subalit pati ang Twitter account ng taga-Visayas ay nahack na rin ng Datu. Nagpasabog ng atomic bomb ang mga dayuhan ngunit hindi tinablan ang Datu dahil siya pala ang tunay na Superman. Nagliwanag ang katotohanan na kamag-anak pala siya ni Ampatuan. Patuloy ang labanan, walang tigil at walang hangganan. Wala silang pinakikinggan. Nagkaroon ng peace talks subalit hindi naman naisasakatuparan. Nagsimula ang kidnapping, bombing, carnapping, mass killing at kung anu-ano pang -ing. Masakit na isipin pero pati kami, damay na rin. Sa kwento ni Lola, naantig ang aking damdamin.
   Idaan man natin sa pabirong kwento ang sitwasyon, ang kaguluhan ay hindi iihipin ng hangin. Patuloy itong sisiklab at kahit sa 'tubig', 'tubi', o 'ig', hindi ito tatangayin. Magkaiba man tayo ng paniniwala at wika, sana iisa lang ang ating hangarin. Marami ang nagugutom at nahihirapan dahil walang makain. Kung nabubuhay pa si Lola, wala pa ring katiyakan kung masisilayan pa ba niya ang tunay na kapayapaan na matagal niyang dinadalangin. At hindi rin ako sigurado kung makikita ko rin ito pero kung magkakatotoo, malugod ko itong tatanggapin.
   Ang tanong ko sa sarili ko, ano bang maitutulong ko para sa kapayapaan ng bayan ko?
   Anu imu mabulig para sa kalinaw sang aton nga banwa?
   Unsa'y imong ikatabang aron atong maangkon ang kalinaw?
   Seka, ngen e makadtabang nengka sa uman gay para maaden su kalilintad sa Mindanao?


Ituloy ang pagbasa...

Mariyang Mahiwaga

Monday, July 25, 2011

   Nakabilad ang hubad mong katawan sa harap ng mga ilaw na nakakasilaw at mga kamerang sabay-sabay kang tinututukan. Memoryado ko na ang hugis ng iyong balakang at ang kulay ng iyong tinatagong kayamanan. Lahat ng linya at kurba ng iyong katawan ay nakatatak na sa aking isipan. Kahit nakapikit ay nakikita ko ang kinis ng iyong balat at anyo ng iyong kagandahan. Nais kitang mahawakan at balang araw, pupuntahan kita sa Japan.
   Wala akong pinalampas isa man sa iyong mga pelikula. Nakatago pa sa aparador ko ang mga DVD mong pinirata. Nakalagay din ang piktyur mong nakaframe sa tabi ng aking kama. Nakakahiya mang aminin pero may piktyur ka rin sa aking pitaka. Palagay ko, talagang mahal na kita.
   Makaluma ang buhay at prinsipyong kinagisnan ko subalit hindi kita sinisisi sa buhay na kinasadlakan mo. Gusto kong umangat ka dahil mababa ka na sa panghuhusga ng ibang tao. Babaeng bayaran ang tingin nila sa 'yo at gusto kong maintindihan ang iyong punto. Lahat ng ginagawa mo ay alam kong ginusto mo at 'yan ang pinili mo. Nauunawaan kong katawan ang puhunan mo at hinahangaan ko ang pagkataong nakatago sa likod ng iyong anyo.
   Bukod tangi ka sa mga napanuod kong artista na naikakama ng mga lalaking kapares nila. Ewan ko ba, basta nag-iisa ka. Pero alam mo ba? Hindi ako masaya kapag hinahalay ka na sa eksena. Hindi ako mapakali sa tuwing naririnig ko ang ungol mong hindi naman masarap sa tenga. Hindi rin ako masaya kapag dalawa o tatlong lalaki na ang sa 'yo'y gumagahasa. Salitan sila, hindi na nakakatuwa ang kanilang mga ginagawa. Masakit na isipin pero nakikita kong parang gusto mo rin. Halatang-halata kasi sa iyong mga halinghing. Hindi ko alam kung kasama pa ba 'yon sa iyong pag-acting, pero ganun pa man, sa 'yo pa rin ako nahaling.
   Sa dami ng babaeng pwede kong mahalin, ikaw pa ang aking napansin at wala akong pakialam anuman ang kanilang isipin. Mahal na kita at balak kong pakasalan ka. Kung dangal ang pag-uusapan, talagang bagsak ka na, pero hindi ka nahihiya at nakuha mo ang aking paghanga. Hindi na ako nagtataka dahil ang sabi ng matatanda, ang pag-ibig daw ay may hiwaga.
   Totoo man ang kasabihang ito, isa lang ang klaro. Minsan sa buhay ko, minahal ko ang babaeng bida sa pelikulang porno. At dahil ika'y nandito, iniimbitahan kitang dumalo sa kasal namin ni Mariya Azawo.


Ituloy ang pagbasa...

Pers Lab

   Umiiyak ka na naman d'yan. Pers lab mo na naman ba ang dahilan? Gabi-gabi ka na lang ganyan. Alam mo, naaawa na rin ako sa 'yo paminsan-minsan. Hindi mo lang alam pero ako rin ay nasasaktan. Matigas kasi talaga ang ulo mo dahil sabi ko tigilan mo na 'yan pero hindi mo naman yata ako pinapakinggan. Maawa ka naman sa sarili mo, napupuyat ka na at nangangayayat dahil d'yan. Dati naman mukha kang pakwan pero ngayon mukha ka nang kawayan dahil sa kapayatan. Alam kong tao ka lang at natural kang may nararamdaman pero 'wag mo naman sanang kalimutan ang mga taong nasa paligid mo at nagmamahal sa 'yo ng lubusan. Kagaya ng iba d'yan. Oo, 'yong iba d'yan. Gaya ni... ah, gaya ni, ahm.. gaya ni kuwan... ehem, gaya ni Sam. O kagaya ni... ehem, gaya ni ano, ahm - kagaya ko. Oo kagaya ko. Mahal kita at 'yan ang totoo. Nahihiya lang akong magtapat sa 'yo kasi alam kong iba ang mahal mo. Ano ba naman ang magagawa ko? Hindi ko kayang makipagpaligsahan sa pers lab mo. Malayong-malayo. Naiinggit ako kapag nakikita kitang kinikilig at natutuliro. Nagseselos ako dahil ibang saya ang nakikita ko sa mga mata mo. Pero kahit papaano, masaya na sana ako. Kaso, nitong mga nakaraang linggo, napansin kong hindi ka na 'ata masaya. 'Yong dating ngiti mo hindi ko na nakikita at hindi ka na masigla. Naiinis ako dahil pinapaiyak ka lang ng pers lab mo. Ano bang meron siya na wala ako? Wala ba talaga akong puwang sa puso mo? Kung hindi ka na masaya, huminto ka na. Kung malalaglag ka, handa akong saluhin ka. Hindi ka naman seksi at hindi rin naman maganda. Pero handa akong alagaan ka sa abot ng aking makakaya. Ewan ko ba, pinili ng puso kong mahulog sa 'yo at hindi sa iba. Ngayong alam mo na, gusto kong mag-isip ka. Gusto kong malaman kung sino ang mas mahalaga - ako o ang pers lab mo? Ako, na handang magtiis at magmahal sa 'yo sa kabila ng pangit mong anyo, o ang pers lab mo na walang ibang ginawa kundi ang paiyakin ka at pasakitin ang iyong ulo?
   Handa akong tanggapin anuman ang 'yong kasagutan. Hindi na ako masasaktan. Tutal naman, gabi-gabi ka na lang ganyan, at gabi-gabi na lang din akong nahihirapan. Iyon namang pers lab mo, huwag mo na sanang iyakan. Hindi mo ba talaga kayang kalimutan ang nakaraan? Pwede bang tanggalin mo na sa iyong isipan 'yong mga nangyaring sampalan, iyakan at sabunutan? Kalimutan mo na ang pers lab mong 'yan. Paano kita liligawan kung mas mahal mo pa 'yan? Utang na loob naman, alam kong pers lab mo yan pero tigilan mo na ang panonood ng teleseryeng 'yan kung pinapaiyak ka lang!


Ituloy ang pagbasa...

Hapag Sigawan

Saturday, July 23, 2011

   Wala na namang makalkal sa mauling na kaldero sa aking itinayong tahanan. Kahit konting tutong sana'y pwede ko nang pagpiyestahan. Pero wala akong nasilayan at wala akong naabutan. Pagod na nga sa maghapong paghahanap ng maihahain sa hapag-kainan, hindi mo rin naman pala ito matitikman. Ito ba ang gantimpalang nakalaan para sa isang buong araw na pakikipagsapalaran? Sa mga darating pang araw, siguradong ganito pa rin ang kalagayan. Inilapag ko sa lamesa ang aking konting barya mula sa aking bulsa. Bukas ng umaga, makakatulong na siguro 'yon para sa kumakalam na sikmura ng aking mag-ina.
   Natutulog na sila sa higaang gawa sa kartong may tatak ng alak at de lata. Matibay naman ang pagkakahabi ng mga sako na nagsisilbing dingding sa kwartong pinagsasaluhan ng aking pamilya. Nagdahan-dahan ako para humiga sa tabi ng aking asawa. Ayokong magising siya para lang bulyawan at sisihin ako sa mahirap na buhay na ipinaranas ko sa kanya. Gaya ng lagi niyang ginagawa, ayokong ipamukha niya sa 'kin ang pagiging isang iresponsableng ama. Madalas kaming magtalo kapag ginagabi ako at wala man lang nadelihensya. Mahirap ang mag-asawa nang maaga lalo na't kapos sa pera. Subalit isa sa mga pinakamasasayang araw sa buhay ko ay ang pagdating ng aking munting anghel tatlong taon na ang nakakaraan. Kasabay n'yan ang bigat at hirap na dala ng kagustuhang maiahon siya sa putikan. Sa kabila ng lahat ng 'yan, wala akong pinagsisisihan.

"May pera ka ba?"

Lagot na, nagising pala ang aking asawa.

"Meron. Konting barya."
"Barya? Namputsa! Nagugutom ang anak mo. Anong mabibili ko sa barya?"
"Huwag ka nga'ng maingay, natutulog na 'yong bata, eh."
"At bakit hindi? Ha? Wala kaming makain tapos magbibigay ka lang ng barya?"
"Ano ba? Hindi rin naman ako kumain, ah!"
"Aba! Nagrereklamo ka pa?"
"Hindi ko naman gustong magreklamo. Imbes na pagalitan mo ako, tulungan mo na lang sana ako sa pagsusugal ko nang may makain naman 'yang anak mo!"


Ituloy ang pagbasa...

Ungguwento kay Allan

   Tulala. Malayo ang tingin. Hindi na yata gagaling ang sugat na dulot ng tinik na nakabaon sa puso mo kahit ilang basong alak pa ang tunggain mo. Malalim. Masakit. Sugat na dulot ng taong sobrang mahalaga sa 'yo. Higit pa sa anumang yaman ang pag-aalaga at atensyong iniukol mo. Katumbas ng 'yong buhay ang pagmamahal na ibinuhos mo at katumbas ng inyong bahay ang nagagastos mo sa regalo. Subalit ngayon, ano ang isinukli sa 'yo pagkatapos ng lahat? Lungkot, luha, puyat at ang pinakamasaklap mong natanggap, tagihawat. Mahirap. Ang dati mong makinis na mukha, ngayon ay lubak-lubak. Daig pa ang maputik na kalsadang dinaraanan ng malalaking trak. Kapag naiisip mo ito, lalo ka lang naiiyak. Hindi naman kasalanan ang magmahal nang tapat. Kapag kumatok na 'yan sa iyong pintuan, at iyo namang pinagbuksan, wala nang atrasan. Tanggapin mo nang maluwag dahil regalo Nya ang nadarama mong 'yan. Allan, lagi mo 'yang pakatandaan.
   Masikip ang dibdib mo, mainit ang iyong ulo, parang kaaway mo ang lahat ng tao. Puro na lang pighati at pasakit, walang katapusang dulo. Napakahirap ang makipagsapalaran sa mundo. Tinamaan ka talaga sa kanya, ano? Aminin mo. Nasa hustong edad ka na naman ng bente-otso. Naaalala ko pa nang magkausap tayo noong nakaraang Sabado. Hindi ko malilimutan 'yong sinabi mong mahal mo na siya pero natatakot ka kasi baka mapagalitan ka lang ng nanay mo. Nag-iisang anak ka pala, oo. Masakit man ang katotohanan pero sabi mo, hindi ka rin naman gusto ng taong minamahal mo.
   Madrama. Ilang daang beses ka nang nagkaganyan. Lagi mo na lang ginagawang dahilan, "Kung sana ako ay mayaman, hindi ako nasasaktan." Malamang. Pero hindi naman talaga salapi o panlabas na kaanyuan ang sukatan ng pagmamahalan. Maraming nagkalat d'yan sa paligid mo. Mga mukhang pusit at tilapyang nagkatawang-tao. Meron ding mukhang dinikdik na luya at mukhang kwago. Pero dahil nagmahal sila nang totoo at hindi nanloko, nakahanap sila ng kapareho. Hintayin mo na lang 'yong para sa 'yo. Darating 'yan sa tamang tiyempo at sa tamang tao. Tara na, umuwi na tayo, lasing na ako.
   Hilo. Masakit ang ulo. Mataas na ang araw pero nakatitig ka pa sa kisame at nakahiga sa kama. Akala ko'y natutulog ka pa. Teka, iuuntog kita dahil mukha talagang tulog ka pa. Tulog sa katotohanan na hindi lang para sa iisang tao ang pag-ikot ng mundo. Kung ganyan ang gagawin mo, maiiwanan tayo. Bumangon ka na't makikikain ako rito. Nagluto na ng almusal ang nanay mo. Nakausap ko siya bago ako pumanhik dito, gusto na pala n'yang magkaapo sa 'yo, ano?. Gustong-gusto. Pero paano? Nahihiya lang akong sabihin sa kanyang, "Aling Nena, ito kasing si Allan mo, lalaki rin ang gusto."


Ituloy ang pagbasa...

Ang Paglalakbay ni Piso

Friday, July 22, 2011

Hawak ko siya. Bago ko siya nakuha, wala akong alam sa pinagdaanan niya sa nakakatakot na lansangan at sa piling ng kung sinu-sinong tulisan. Hindi ko maintindihan kung bakit ngayon, siya ay napunta sa madilim at mabahong kinasadlakan niya - sa loob ng aking bulsa. Hindi ko na rin maalala kung bakit ko siya nakuha at naisalba mula sa mga taong gahaman sa pera. Pinasa-pasa. Mula sa kamay ng mga taong magaling maglakwatsa at maglaro ng bidyo karera hanggang sa mga kamay ng mga batang gustong mag-aral talaga. Gustong mag-aral ng tamang diskarte sa paglalaro ng baraha. Mga batang gustong matutong magsugal sa murang edad nila. Pinasa-pasa. Kawawang piso. Huwag kang mag-alala isasalba kita. Mapupunta ka sa mga mabubuting tagapag-alaga. Halika't ihahatid na kita.

"Tao po."
"Ano 'yon?"
"Isang stick nga ho. Marlboro. Eto'ng piso."
"Aba'y dalawang piso, iho."
"Ho? Sige 'wag na lang ho. Hindi naman talaga ako naninigarilyo."


Hindi ako mayabang pero kaya kong bilhin ang buo niyang tindahan kasali na ang buo nilang angkan. Nagpigil lang talaga akong humugot ng tseke ko at pirmahan. Ang totoo, mukhang masungit ang tindera at mayabang kung umasta. Hindi lang talaga bagay ang piso ko sa kanya. Hindi siya karapat-dapat mag-alaga ng pisong pinagpala. Nakakakonsensya. Nakuha ko pang magsinungaling sa tindera para lang mailigtas ko ang kapirasong metal na nagkatawang-piso. Hindi bale na, mayaman naman ako. Makauwi na nga't makapanuod ng NBA sa aking 3D HDTV. Teka, sino 'to?

"Palimos po."
"Bakit bata, wala ka bang mga magulang?"
"Ulila na po."
"Saan ka ba nakatira?"
"Palaboy-laboy lang po."
"Oh, ito piso, pagkasyahin mo. 'Yan lang pera ko."
"Salamat po."


Naibigay ko ang kaisa-isang kayamanan ko. Wala na. Nakakaiyak. Nakakalungkot. Para akong namatayan. Sa isang karaniwang taong walang trabaho at mahilig mangarap na kagaya ko, malaki na ang piso. Ngunit sa isang batang palaboy-laboy na walang magulang, walang tirahan, at walang laman ang tiyan, MAS MALAKI ang piso. Panatag na ako. Napunta ang iniingatan kong piso sa marumi ngunit maalagang mga kamay ng isang batang walang muwang kung gaano kalupit ang mundong ito. Hindi ko naman na kailangan ng piso dahil libre naman ang mangarap, libre ang magyabang. Aanhin ko pa 'yon kung kaya ko namang bilhin kahit ang buong Bangko Sentral at Banco de Oro. Hindi talaga ako 'yong mayabang na uri ng tao. Totoo. Ikaw, gaano kahalaga ang iniingatan mong piso?


Ituloy ang pagbasa...

Pang-unawa

Thursday, July 21, 2011

Blag ko 'to. Dito ako bubuo ng pagkatao kong totoo at taong hindi totoong ako. Magulo. Kagaya ng buhay ko, maaaring kagaya rin ng buhay mo at buhay ng sinumang taong nasa isip mo. Pero dito ko gustong mabuo.Unti-unti. Kahit papaano basta buo, kahit pagkukunwari, ang mahalaga'y hindi halatang pakitang-tao. Hindi ako tuliro, hindi ako nalilito. Sadyang masakit lang sa ulo ang mga pinagsasabi kong magulo ako sa pagsabing hindi totoong ako ang magulong pagkataong bubuuin ko na kasinggulo ng buhay ko o buhay mo at buhay ng sinumang taong nasa isip mo, sa blog na 'to, kuha mo? Blag ko 'to. Pero hindi ibig sabihin para sa 'kin lang 'to. Kaya ka siguro nandito. Para magbasa ng kadramahan ko. Ng mga walang kwentang pinagsasabi ko. Ng mga bagay na wala namang kinalaman sa 'yo. Maswerte ka at matino pa ang isip mo dahil kung hindi, pareho tayong magulo. Magiging bestfriend mo ako sigurado. Kaya ikaw, oo ikaw! Bestfriend na tayo ha? Basta ba iwanan mo muna ang matino mong mundo at samahan mo ako. Dito. Sa isang mundo kung saan hindi mahalaga ang lawak ng pag-iisip mo at kung gaano katalas ang iyong talino. Isang mundo kung saan hindi mahalaga kung peke kang tao o isang tunay na multo. Iisa lang ang kailangan ko at ng bawat tao. Pang-unawa. Hindi ko hinihinging yakapin mo ako dahil hindi tayo talo. Sapat na sa 'kin ang pagdalaw mo sa aking mundong kasinggulo ng pananalita ko. Dito. Mismo. Sa blog na 'to. Tenk Yu!


Ituloy ang pagbasa...
Nakaraan Homepage
 
 
 
"Humihingi ako ng paumanhin sa mga taong nasaktan ko at naperwisyo sa blog na 'to. Pinapatawad ko na kayo."
COPYRIGHT © 2011 BLAG KO 'TO