Ulat Panahon
Blag ko to

Ang Paglalakbay ni Piso

Friday, July 22, 2011

Hawak ko siya. Bago ko siya nakuha, wala akong alam sa pinagdaanan niya sa nakakatakot na lansangan at sa piling ng kung sinu-sinong tulisan. Hindi ko maintindihan kung bakit ngayon, siya ay napunta sa madilim at mabahong kinasadlakan niya - sa loob ng aking bulsa. Hindi ko na rin maalala kung bakit ko siya nakuha at naisalba mula sa mga taong gahaman sa pera. Pinasa-pasa. Mula sa kamay ng mga taong magaling maglakwatsa at maglaro ng bidyo karera hanggang sa mga kamay ng mga batang gustong mag-aral talaga. Gustong mag-aral ng tamang diskarte sa paglalaro ng baraha. Mga batang gustong matutong magsugal sa murang edad nila. Pinasa-pasa. Kawawang piso. Huwag kang mag-alala isasalba kita. Mapupunta ka sa mga mabubuting tagapag-alaga. Halika't ihahatid na kita.

"Tao po."
"Ano 'yon?"
"Isang stick nga ho. Marlboro. Eto'ng piso."
"Aba'y dalawang piso, iho."
"Ho? Sige 'wag na lang ho. Hindi naman talaga ako naninigarilyo."


Hindi ako mayabang pero kaya kong bilhin ang buo niyang tindahan kasali na ang buo nilang angkan. Nagpigil lang talaga akong humugot ng tseke ko at pirmahan. Ang totoo, mukhang masungit ang tindera at mayabang kung umasta. Hindi lang talaga bagay ang piso ko sa kanya. Hindi siya karapat-dapat mag-alaga ng pisong pinagpala. Nakakakonsensya. Nakuha ko pang magsinungaling sa tindera para lang mailigtas ko ang kapirasong metal na nagkatawang-piso. Hindi bale na, mayaman naman ako. Makauwi na nga't makapanuod ng NBA sa aking 3D HDTV. Teka, sino 'to?

"Palimos po."
"Bakit bata, wala ka bang mga magulang?"
"Ulila na po."
"Saan ka ba nakatira?"
"Palaboy-laboy lang po."
"Oh, ito piso, pagkasyahin mo. 'Yan lang pera ko."
"Salamat po."


Naibigay ko ang kaisa-isang kayamanan ko. Wala na. Nakakaiyak. Nakakalungkot. Para akong namatayan. Sa isang karaniwang taong walang trabaho at mahilig mangarap na kagaya ko, malaki na ang piso. Ngunit sa isang batang palaboy-laboy na walang magulang, walang tirahan, at walang laman ang tiyan, MAS MALAKI ang piso. Panatag na ako. Napunta ang iniingatan kong piso sa marumi ngunit maalagang mga kamay ng isang batang walang muwang kung gaano kalupit ang mundong ito. Hindi ko naman na kailangan ng piso dahil libre naman ang mangarap, libre ang magyabang. Aanhin ko pa 'yon kung kaya ko namang bilhin kahit ang buong Bangko Sentral at Banco de Oro. Hindi talaga ako 'yong mayabang na uri ng tao. Totoo. Ikaw, gaano kahalaga ang iniingatan mong piso?

Ibahagi sa iba
Add To FacebookAdd To YahooStumble ThisFav This With TechnoratiAdd To Del.icio.usDigg ThisAdd To Reddit

Magbahagi ng opinyon

Nakaraan Susunod Homepage
 
 
 
"Humihingi ako ng paumanhin sa mga taong nasaktan ko at naperwisyo sa blog na 'to. Pinapatawad ko na kayo."
COPYRIGHT © 2011 BLAG KO 'TO