Ulat Panahon
Blag ko to

Pers Lab

Monday, July 25, 2011

   Umiiyak ka na naman d'yan. Pers lab mo na naman ba ang dahilan? Gabi-gabi ka na lang ganyan. Alam mo, naaawa na rin ako sa 'yo paminsan-minsan. Hindi mo lang alam pero ako rin ay nasasaktan. Matigas kasi talaga ang ulo mo dahil sabi ko tigilan mo na 'yan pero hindi mo naman yata ako pinapakinggan. Maawa ka naman sa sarili mo, napupuyat ka na at nangangayayat dahil d'yan. Dati naman mukha kang pakwan pero ngayon mukha ka nang kawayan dahil sa kapayatan. Alam kong tao ka lang at natural kang may nararamdaman pero 'wag mo naman sanang kalimutan ang mga taong nasa paligid mo at nagmamahal sa 'yo ng lubusan. Kagaya ng iba d'yan. Oo, 'yong iba d'yan. Gaya ni... ah, gaya ni, ahm.. gaya ni kuwan... ehem, gaya ni Sam. O kagaya ni... ehem, gaya ni ano, ahm - kagaya ko. Oo kagaya ko. Mahal kita at 'yan ang totoo. Nahihiya lang akong magtapat sa 'yo kasi alam kong iba ang mahal mo. Ano ba naman ang magagawa ko? Hindi ko kayang makipagpaligsahan sa pers lab mo. Malayong-malayo. Naiinggit ako kapag nakikita kitang kinikilig at natutuliro. Nagseselos ako dahil ibang saya ang nakikita ko sa mga mata mo. Pero kahit papaano, masaya na sana ako. Kaso, nitong mga nakaraang linggo, napansin kong hindi ka na 'ata masaya. 'Yong dating ngiti mo hindi ko na nakikita at hindi ka na masigla. Naiinis ako dahil pinapaiyak ka lang ng pers lab mo. Ano bang meron siya na wala ako? Wala ba talaga akong puwang sa puso mo? Kung hindi ka na masaya, huminto ka na. Kung malalaglag ka, handa akong saluhin ka. Hindi ka naman seksi at hindi rin naman maganda. Pero handa akong alagaan ka sa abot ng aking makakaya. Ewan ko ba, pinili ng puso kong mahulog sa 'yo at hindi sa iba. Ngayong alam mo na, gusto kong mag-isip ka. Gusto kong malaman kung sino ang mas mahalaga - ako o ang pers lab mo? Ako, na handang magtiis at magmahal sa 'yo sa kabila ng pangit mong anyo, o ang pers lab mo na walang ibang ginawa kundi ang paiyakin ka at pasakitin ang iyong ulo?
   Handa akong tanggapin anuman ang 'yong kasagutan. Hindi na ako masasaktan. Tutal naman, gabi-gabi ka na lang ganyan, at gabi-gabi na lang din akong nahihirapan. Iyon namang pers lab mo, huwag mo na sanang iyakan. Hindi mo ba talaga kayang kalimutan ang nakaraan? Pwede bang tanggalin mo na sa iyong isipan 'yong mga nangyaring sampalan, iyakan at sabunutan? Kalimutan mo na ang pers lab mong 'yan. Paano kita liligawan kung mas mahal mo pa 'yan? Utang na loob naman, alam kong pers lab mo yan pero tigilan mo na ang panonood ng teleseryeng 'yan kung pinapaiyak ka lang!

Ibahagi sa iba
Add To FacebookAdd To YahooStumble ThisFav This With TechnoratiAdd To Del.icio.usDigg ThisAdd To Reddit

Magbahagi ng opinyon

Nakaraan Susunod Homepage
 
 
 
"Humihingi ako ng paumanhin sa mga taong nasaktan ko at naperwisyo sa blog na 'to. Pinapatawad ko na kayo."
COPYRIGHT © 2011 BLAG KO 'TO