Ulat Panahon
Blag ko to

Ungguwento kay Allan

Saturday, July 23, 2011

   Tulala. Malayo ang tingin. Hindi na yata gagaling ang sugat na dulot ng tinik na nakabaon sa puso mo kahit ilang basong alak pa ang tunggain mo. Malalim. Masakit. Sugat na dulot ng taong sobrang mahalaga sa 'yo. Higit pa sa anumang yaman ang pag-aalaga at atensyong iniukol mo. Katumbas ng 'yong buhay ang pagmamahal na ibinuhos mo at katumbas ng inyong bahay ang nagagastos mo sa regalo. Subalit ngayon, ano ang isinukli sa 'yo pagkatapos ng lahat? Lungkot, luha, puyat at ang pinakamasaklap mong natanggap, tagihawat. Mahirap. Ang dati mong makinis na mukha, ngayon ay lubak-lubak. Daig pa ang maputik na kalsadang dinaraanan ng malalaking trak. Kapag naiisip mo ito, lalo ka lang naiiyak. Hindi naman kasalanan ang magmahal nang tapat. Kapag kumatok na 'yan sa iyong pintuan, at iyo namang pinagbuksan, wala nang atrasan. Tanggapin mo nang maluwag dahil regalo Nya ang nadarama mong 'yan. Allan, lagi mo 'yang pakatandaan.
   Masikip ang dibdib mo, mainit ang iyong ulo, parang kaaway mo ang lahat ng tao. Puro na lang pighati at pasakit, walang katapusang dulo. Napakahirap ang makipagsapalaran sa mundo. Tinamaan ka talaga sa kanya, ano? Aminin mo. Nasa hustong edad ka na naman ng bente-otso. Naaalala ko pa nang magkausap tayo noong nakaraang Sabado. Hindi ko malilimutan 'yong sinabi mong mahal mo na siya pero natatakot ka kasi baka mapagalitan ka lang ng nanay mo. Nag-iisang anak ka pala, oo. Masakit man ang katotohanan pero sabi mo, hindi ka rin naman gusto ng taong minamahal mo.
   Madrama. Ilang daang beses ka nang nagkaganyan. Lagi mo na lang ginagawang dahilan, "Kung sana ako ay mayaman, hindi ako nasasaktan." Malamang. Pero hindi naman talaga salapi o panlabas na kaanyuan ang sukatan ng pagmamahalan. Maraming nagkalat d'yan sa paligid mo. Mga mukhang pusit at tilapyang nagkatawang-tao. Meron ding mukhang dinikdik na luya at mukhang kwago. Pero dahil nagmahal sila nang totoo at hindi nanloko, nakahanap sila ng kapareho. Hintayin mo na lang 'yong para sa 'yo. Darating 'yan sa tamang tiyempo at sa tamang tao. Tara na, umuwi na tayo, lasing na ako.
   Hilo. Masakit ang ulo. Mataas na ang araw pero nakatitig ka pa sa kisame at nakahiga sa kama. Akala ko'y natutulog ka pa. Teka, iuuntog kita dahil mukha talagang tulog ka pa. Tulog sa katotohanan na hindi lang para sa iisang tao ang pag-ikot ng mundo. Kung ganyan ang gagawin mo, maiiwanan tayo. Bumangon ka na't makikikain ako rito. Nagluto na ng almusal ang nanay mo. Nakausap ko siya bago ako pumanhik dito, gusto na pala n'yang magkaapo sa 'yo, ano?. Gustong-gusto. Pero paano? Nahihiya lang akong sabihin sa kanyang, "Aling Nena, ito kasing si Allan mo, lalaki rin ang gusto."

Ibahagi sa iba
Add To FacebookAdd To YahooStumble ThisFav This With TechnoratiAdd To Del.icio.usDigg ThisAdd To Reddit
Anonymous said... [Sagutin ang komento]

haha!

Anonymous said... [Sagutin ang komento]

Hahahhaha. �� Ang ganda ng pagkakabuo. Grabe ang ending, nakakagulat. Relate ang LGBT Community nito. Isang realidad na kung saan karamihan sa kanila ay hinaharap ito. Keep going. ����

Magbahagi ng opinyon

Nakaraan Susunod Homepage
 
 
 
"Humihingi ako ng paumanhin sa mga taong nasaktan ko at naperwisyo sa blog na 'to. Pinapatawad ko na kayo."
COPYRIGHT © 2011 BLAG KO 'TO